Sa kabataang di kilala si Marcos at di alam ang ginawa niya
Hindi ninyo siguro maintindihan kung bakit kailangang ipagdiwang ito taun-taon.
Baka nga sawa na kayo siguro sa EDSA, sa taun-taong anibersaryo ng People Power, sa paggunita sa mga nangyari noong 1986, noong pinatalsik ng mga Pilipino ang diktador.
Sino ba ‘tong Ferdinand Marcos? At bakit galit na galit ang maraming Pilipino sa kanya?
Ang Ferdinand Marcos na alam ninyo ay ‘yung anak ng diktador, ‘yung senador na nasasangkot sa mga kaso ng walang-hiyang pangungurakot sa gobyerno, ‘yung nasabit sa sunod-sunod na mga bistuhan ng pagnanakaw.
Nakakasindak ang mga pagnanakaw ngayon. Pero mas garapal noong panahon ng unang Marcos.
$29 million.
Article continues after this advertisementIto ang pinaka huling halagang nabawi mula sa mga ninanakaw ng mga Marcos. Nakatago sa Switzerland bago mabisto.
Article continues after this advertisementLampas isang bilyong piso.
Pero alam ninyo kung anong masaklap? Kakarampot lang yan, maliit na porsyento lang ng halagang dinugas ng diktador.
Lahat-lahat lampas $10 billion ang ninakaw ni Marcos.
Lampas 400 bilyong piso.
Ibig sabihin: 20 bilyong piso bawat taon sa 20 taong nakawan.
Tatlong bilyong piso araw araw!
I-Google ninyo lang ang “most corrupt leaders.”
Sinong Numero Dos? Ang diktador na binabanggit ng marami ngayong linggo, 28 taong matapos siyang pabagsakin ng mga Pilipino.
Kung di siya pinatalbog ng sambayanang Pilipino, at nanatili sa poder nang mas matagal pa, baka naging Numero Uno pa siya.
Mas tahimik daw ang Pilipinas noong panahon ni Marcos.
Tama, tahimik nga.
Tahimik sa Crame at Bicutan matapos kang hulihin at matortyur.
Tahimik sa mga safehouse ng militar matapos kang bugbugin at abusuhin.
Tahimik sa mga tago at liblib lugar kung saan itinapon ang mga na-salvage.
Alam ninyo kaya ang salitang yon — salvage?
Pauso yon ng militar ni Marcos: i-salvage, ibig sabihin iligtas. Oo, iligtas ang isang mamamayan sa mga rebelde at kumakalaban kay Marcos.
Paano? Pinatatahimik sila.
Mas maingay ngayon.
Nakakalito siguro para sa marami sa inyo ang pulitika ngayon. Walang tigil ang hagisan ng putik. Maraming nagpiprisintang tagapagligtas, tagalutas sa lahat ng problema.
Dapat lang na magalit at masuklam kayo. Pero huwag lang kayong papaloko sa mga nagsasabing dapat sana e mabalik ang sistema ni Marcos – na mas maganda ang takbo ng Pilipinas sa ilalim ng diktador.
Marami pa rin baluktot sa sistema ngayon, halos tatlong dekada matapos ang EDSA. At dapat lang na mag reklamo kayo, mag ingay, mag rebelde sa pang-aabuso at pangungurakot.
Pero huwag na huwag ninyong ipagpapalit ang maingay, magulo, at minsa’y nakakabagot na demokrasya sa isang sistemang isang tao lang o isang grupo lang ang naghahari.
Maraming pinahirapan, maraming namatay at maraming lumaban para magkaroon kayo ng karapatang mag-ingay.
Ipagtanggol n’yo ito.
Visit (and like) the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel
On Twitter @boyingpimentel