SAN FRANCISCO—Sa dinami dami ng mga problema ng Pilipinas, bakit pag-aaksayahan pa ng panahon ang bakbakan sa NAIA ng sikat na brodkaster at sikat na mag-asawang artista?
Pero baka naman may mapupulot na mga aral dito, lalo na’t umiinit ang banggaan ng Pilipinas at China. (Tagalugin natin para mas di agad maintindihan ng kapit-bahay sa norte.)
1. Pag magrereklamo, daanin sa malumanay na pananalita (hinahon lang, wag maging hambog)
Marami tayong reklamo sa pambubulabog at pambubutangero ng China. Puwedeng iharap sa international court or sa United Nations. Puwedeng isumbong sa buong mundo.
Pero habang kelangan ng tibay ng loob sa ating posisyon, wag dapat maging mayabang. Wag bara bara. Wag ibabaling ang galit sa mga wala namang kasalanan. (Halimbawa, wag pag initan ang mga kababayang Tsinoy o kahit sa mga karaniwang Tsino.)
Ang totoo, aral din ito para sa China. Hindi porket mas malaki, mas mayaman, mas maputi, mas sikat – mas maganda? hindi naman — e pwedeng duru-duruin nang ganoon lang ang mag mas maliliit sa kanya.
2. Sa pagkuha ng ebidensya ng pang-aalipusta, pasimple lang dapat
Nagsimula ang away umano dahil ginamit ang cell phone para kunan ng retrato ang pambabatikos sa isang ground crew sa airport. Kaso nabisto. Masyadong lantad ang pagkuha ng retrato. Nag-init ng ulo ng artista, at nagsimula ang bakbakan.
Sa banggaan sa China, magiging mahalaga ang pagkuha ng pruweba – mga retrato at video – ng anumang paglabag sa mga international laws at iba pang mga patakaran. (Ang pag-harass sa mga mangingisdang Pinoy, ang pagpapaputok sa mga pwersang Pilipino nang wala namang dahilan).
Magiging susi ito sa pagsasampa ng mga reklamo o kahit sa pagpapakita sa buong mundo ang pambubutangero ng Beijing.
Pero dapat mautak, mas swabe sa pagkuha ng ebidensya.
3. Pag nagkainitan, wag mangungunang manapak
Ayon sa mag-asawang artista, ang brodkaster ang unang nanapak. Naku, mali iyon.
Sa gitgitan sa dambuhalang kapitbahay, mahinahon din dapat. Pag mapakita ng Beijing na ang mga Pinoy ang unang bumanat, talo na agad.
4. Pag nagkainitan, handa dapat umatras
Kahit totoo naman ang bintang ng ang mag-asawang artista ang nagsimula ng suntukan, ito ang malinaw: Dapat laging handa sa biglang pagsalakay ng kaaway.
Siyempre problema na di kayang makipag sabayan sa Beijing. Kaya dapat may malinaw na plano kung magkaputukan na.
5. Wag hihirit kung walang resbak, wag susugod kung walang sapat na pwersa, wag sasabak kung walang matatakbuhan paatras
Siyempre, ang pinaka mainam na sitwasyon e wag maiipit sa alanganin. Hindi biro ang masabak sa giyera, kaya tutok lang sa diplomasya.
Kung tingin e talagang matutulak na sa labanan, dapat malinaw ang mga plano. Pangunahin dapat ang pagtiyak na ligtas ang mga Pinoy na nakatira sa mga lugar na maapektuhan ng bakbakan. Di dapat sumabak sa away na hindi pala alam ang tindi ng lakas ng kaaway.
Kung hindi, puro pasa sa mukha ang mapapala.
6. Sa bakbakan, wag magsusuot ng pink (at hinay lang sa pa-macho)
Wala naman talagang nagsusuot ng pink sa giyera. Pero meron sa kanilang mga nag-bugbugan sa NAIA.
Sa banggaan sa China, ang pag-suot ng pink e yong pagiging masyadong maingay, sobrang mayabang, bara-bara at pa-macho – kahit ala naman palang ibabatbat pag nagsimula na ang barilan.
At kung sakaling mauwi na nga sa bakbakan ang banggaan sa China, at tumanggap ng mga hambalos sa bakbakan ang Pilipinas, iwas dapat sa pagtawag ng barkada o utol o mga kainuman sa kanto para sabihing: ‘Masuwerte ka Beijing, ala kami doon. Kung hind, yari ka.’
Hinay lang sa pa-macho. Baduy iyon.
Magpagaling na lang mga pasa. Magpahinga na lang. Tapos balik sa pag-aaral kung paano sasabak muli sa bakbakan nang hindi na magkaka-black eye.
On Twitter @KuwentoPimentel. On Facebook at www.facebook.com/benjamin.pimentel