SAN FRANCISCO—Noong Miyerkules, inihatid ko sa San Francisco International Airport si Pete Lacaba. Sa loob ng isang bag niya e isang laptop, MacBook Air, para sa anak niyang si Kris.
Noong nakapuwesto na si Pete sa pag check-in, nagpaalam ako sa makata at screenwriter, sa matagal ko nang kaibigan, kainuman at unang editor noong nagsimula akong maging peryodista.
Pagdating ko sa bahay, saka ko nalaman na namatay pala noong hapong iyon ang lumikha ng computer sa bag ni Pete. Namatay na pala ang hinahangaang pinuno ng Apple, si Steve Jobs.
Sangkatutak na ang papuri kay Jobs nitong mga nakaraang araw.
At wala namang duda na dapat siyang parangalan. Dapat hangaan bilang tagasulong ng teknolohiya. Dapat bigyang puri bilang tagalikha ng mga gamit na nakatulong sa mga taong makipag usap sa isa’t isa at sa buong mundo.
Pero ewan ko kung bakit, noong nabalitaan kong namatay na si Jobs matapos ihatid ang kaibigan ko sa airport, bigla kong naalala ang tula ni Pete na, “Ang Mga Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz.”
Sinulat ito ni Pete noong 1970s. Tungkol sa isang karaniwang Pilipino na gustong magkaroon ng tahimik at disenteng buhay.
Pero sari-sari at laksa-laksa ang mga hadlang at balakid na nakaharap ni Juan de la Cruz. Sunud-sunod ang mga hamon. Walang patid ang mga panunuya. Hanggang sa huli, namundok na si Juan—naging rebelde sa lipunan, naging kalaban ng kapangyarihan.
Nagkataon lang siguro na kahahatid ko lang sa makatang sumulat ng tulang ito noong pumutok ang balitang namatay na si Jobs.
Dahil naging rebelde rin si Steve Jobs. Ang totoo, ganoon siya nagsimula. Ganoon siya sumikat.
Hippie siya noong kabataan niya. Hindi mahilig sumunod sa mga takdang landas. Hindi man lang nga nakapagtapos ng pag-aaral. (Ayon sa istorya sa New York Times, naisip niyang pabigat na sa mga magulang niya ang pag-aaral niya, kaya nag drop-out na lang sa kolehiyo.)
At habang may tanggap nang landas na dapat sundin ang mga gustong umasenso sa larangan ng teknolohiya at kalakal, gumawa siya ng sariling daan.
Saan ka nga naman makakarinig ng kompanyang nagsimula sa isang garahe sa isang maliit na syudad malapit sa San Francisco?
At maski noong big time na siya sa mundo ng kapitalismong Amerikano, hindi man lang nag-aayos ng sarili si Jobs. Hindi mahilig mag-Amerikana’t mag-kurbata. Naka rubber shoes lang at turtleneck shirt.
Siyempre, ngayon, dambuhalang korporasyon na ang Apple. Sa kabila ng mga papuri dito, marami ring mga puna dito.
Pangunahin na siguro ang pagiging kakutsaba nito ng isang kompanyang gumagawa ng mga produkto ng Apple — isang kompanyang kinamumuhian dahil sa mga bintang na inaabuso nito ang sariling mga manggagawa.
Sa isang mahusay na artikulo sa New York Times, kinuwento ni Mike Daisey ang tungkol sa isang Tsinong manggagawa sa isang pabrika kung saan ginagawa ang iPad. Baku-bako na ang isang kamay ng trabahador — naipit sa isang makina sa pabrika.
Dapat lang namang kilalanin din ang mga taong tulad niya habang kinikilala ang kadakilaan ni Jobs. At di naman mapagkakaila ang kadakilaang ito – kadakilaang nakabatay sa pagiging rebelde.
Alam din ni Pete ang pagiging rebelde.
Siya ang sumulat ng mga pinaka nakaka-engganyong pagsasalaysay ng mga pagrerebelde ng mga estudyante noong 1970. Namundok ang kapatid niyang si Eman, isa ring napakahusay na makata.
At si Pete mismo ay sumali si underground noong ideklara ni Marcos ang martial law.
Nahuli siya. Nakulong. Pinagtripan, pinahirapan ng mga militar.
Pero sa kabila ng lahat, nakaahon siya sa lahat nang ito na buo pa rin ang pananalig, matibay ang paninindigan.
Tumulong siyang mag-organisa ng mga artista matapos ang pagpaslang kay Ninoy Aquino. Nagturo. Nagmartsa sa kalye. Nagsulat ng mga marami sa mga pinakamahusay na obra sa panulaan at sa pelikula. “Kapit sa Patalim.” “Sister Stella L.” “Rizal sa Dapitan.”
Di tulad ni Jobs sa kanyang mga likha, hindi yumaman nang todo todo si Pete sa mga obrang ito. Hindi yumaman sa pagiging rebelde.
Pero pagiging rebelde pa ring may kabuluhan. Pagiging rebelde pa ring dapat ipagdiwang.
Sa pagkaalam ko, kahit kailan, hindi nasangkot si Pete sa pagkakawasak ng kamay ng isang trabahador sa pabrika.
On Twitter @KuwentoPimentel. On Facebook at www.facebook.com/benjamin.pimentel