Presidenteng ‘prim and proper’
Isa sa mga unang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte:
“I need to control my mouth. I cannot be bastos because I am representing our country. If you are the president of the country, you need to be prim and proper, almost, maging holy na ako.”
Magandang simula. Kaya yan, Mr. President.
Kung hindi ninyo mamasamain, mga ilang payo:
Tuwing may gusto kayong sabihin o gawin na kaugnay ang mga kababaihan, tanungin ninyo lang sarili: “Magagalit ba ang Bise Presidente ko?”
Mas mabuti pa ngang tanong: “Magagalit ba si Jean Enriquez at kakasuhan na naman ba niya ako sa CHR?”(At pinapaalala nga pala niya na pending pa ang kaso na sinampa niya at iba pang aktibista.)
Article continues after this advertisementO pag may gusto kayong insultohing dayuhan, isipin ninyo lang, “Ilang Pilipino ba pwedeng maapektuhan o mawalan ng trabaho kung bulyawan ko itong ambassador na ito?”
Article continues after this advertisementPero maging totoo pa rin kayo sa sarili. Okay lang na may konting kapilyuhan.
Halimbawa, pag lapitan kayo ng mga Marcos at sabihin, “Ah, Mr. President, so kelan ho namin pwedeng ilibing si Marcos Sr. sa Libingan ng Mga Bayani,” pwede ninyong sabihin, “Kayo naman, nagbibiro lang ako noon.”
O kaya: “Sinabi ko papayag ako sa libing para may healing sa bayan. E nagkaroon na nga ng healing e. Nanalo ako. Natalo kayo. Masaya na lahat.”
Pag nagpumilit, sabihin ninyo sa susunod na linggo, tapos papalitan mo yong karatula para pagdating nila sa Libingan ng Mga Bayani, ang makikita nila: ‘Libingan ng Mga Bayani at Isang Diktador.’
Tapos pag umuwi nga si Joma Sison at sabihin sa inyo, “President Duterte, I want a coalition government,” okay lang na sumagot: “Namputsa naman, Joe. Dami mo sigurong nahithit na damo sa Utrecht.”
At kung magkataon at malasin ang Amerika at si Donald Trump ang maging presidente, at nagkita kayo, okay lang na tanungin ninyo: “Mr. President, what do you feed that thing on your head? Does it bite?”
Okay namang maging prim and proper. Pero huwag ninyo namang sobrahan. Baka hindi na natural. Baka maging boring na ang labas. Baka maging katulad na kayo ng papalitan ninyong pangulo.
Kaya nga kayo binoto ng mga kaibigan ko (na buti na lang mga kaibigan ko pa rin). Isa sa mga dahilan nila e dahil kuwela raw kayo, nakakaaliw. Walang paligoy ligoy sa mga sinasabi. Deretsahan.
Marami sa amin nagsama noong panahon ng diktadura ni Marcos. Nagkaisa kami noon. Nagkasama sa pakikibaka. May mga kaibigan at kasama kaming nakulong at namatay.
Pero ngayon, nagkaiba kami ng pananaw — sa inyo.
Nanalo ang kandidato nila.
Sinabi ko na sa kanila na kung tama sila at meron ngang malaking mga pagbabago sa pamumuno ninyo — na malaki ang magagawa ninyo sa pagsugpo ng krimen, ng korupsyon, ng kahirapan — babawiin ko ang lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo.
Pero kung malinaw na nagkamali sila, at natupad ang karamihan sa mga kinatatakutan ng marami, sana mabilis din nilang kikilalanin ito, ibubunyag at tatanggihan.
At magkakaisa pa rin kami sa mga pinaglaban namin noong kabataan namin. Laban sa pambubutangero ng kahit sino.
Pag umabot sa ganoon, kami naman ang hindi magiging prim and proper.
Congratulations, Mr. President-elect.
Visit and like the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel
On Twitter @boyingpimentel