Close  
Kuwento

Ningning, liwanag, dilim sa Daang Duterte Marcos

Si Rody Duterte, si Bongbong Marcos, malakas ang dating sa eleksyong ito. Maraming mga magagandang pangako.

Nakakaakit para sa marami. Nakakasilaw.

ADVERTISEMENT

Naalala ko tuloy si Emilio Jacinto. Kung kasing sikat sana siya ngayon ni Heneral Antonio Luna, nasa isip din sana ng marami ang mga sinabi ng batang bayani, ng “utak ng rebolusyon.”

Walang mga madramang linya tulad ng sa sine: “Negosyo o kalayaan? Bayan o kalayaan pumili ka” o “Wala ba sa inyong makabayan!”

FEATURED STORIES

Walang malulutong na mura: “Punyeta!”

Simple lang: “Ningning at liwanag.”

Simpleng mga salita, walang drama, pero mas totoo, mas makabuluhan sa panahong ito.

“Ang Ningning at ang Liwanag.”

Iyan ang pamagat ng sinulat ni Emilio Jacinto, mahalagang mensahe noong kainitan ng pakikibaka laban para sa kalayaan mula sa Espana.

“Ang Ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa paningin!

“Ang Liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

ADVERTISEMENT

“Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning, ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.

“Ang ningning ay nakapandaraya!

“Ating hanapin ang Liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning.”

Lalim.

Pero angkop na angkop sa nangyayari. Saktong-sakto.

Kasi ang daming nakatingin sa ningning. Nakalingon sa ilaw sa malayo.

Ito na!

Ito na raw ang hinihintay nilang pagbabago.

Ito na ang tatapos sa lahat ng paghihirap.

Ito na ang susugpo sa mga nang-aalipusta sa sambayanan.

Ito na ang hinahangad na kalayaan.

Pero ang hindi nila alam, ang ilaw na iyon, mas lumalaki, mas nakakasilaw habang papalapit, headlights ng isang humaharurot na truck sa gitna ng gabi sa C5.

Sasagasaan ang lahat.

Ang drayber kaskasero na, lasing pa.

Kagagaling lang ni Digong sa “happy happy.” Sa tabi niya, si Marcos Jr. , si Imelda, at iba pa mula sa pangkat ng nasirang diktador. Naglalaway na sa galak. Malapit na silang makabalik. Malapit na silang makagulang na naman.

May padating na bagyo. Dumidilim.

Hindi naman nakakagulat na maraming gustong sumalubong dito. Hindi mo masisi ang mga puno ng galit.

Maraming nawawalan ng pag asa. Masisisi mo ba sila e iyong Daang Matuwid e malubak pagdating sa lugar nila. At sa Cotabato, iyong mga namamatay na sa gutom, noong nagpumilit tumayo sa daang sementado pinagbabaril.

At ngayon, pahirapan pa sa pagpili ng kandidatong mapagkakatiwalaan.

May isang inaalala sa karakter ng drayber na maghahatid sa mga anak niya sa eskwela. May baguhang mahusay magsalita pero ilang ulit nang nagbaba ng baraha, naglantad na hawak sa liig ng dating kaalyado ng diktador. May isang mini-me ni Marcos sa Makati.

Iyong byudang humamon kay Marcos Jr., siya lang malinaw na may kakayanang mamuno nang matino, ang may kakayahang magbigay liwanag. Sana manalo siya.

Pero anuman ang mangyari, matindi ang galit na kakaharapin ng sinumang magwawagi. At marami sa mga galit naaakit sa ningning. Natulala sa nakakasilaw na ilaw sa malayo.

Ang nakakadismaya e ‘yong mga taong dapat sana’y makakapag-gabay ay sila pang yumayakap sa ilusyon. Sila pang tumataya sa maaari nga ang mabilisang solusyon. ‘Anim na taon walang nang mga kriminal!’

Wala ba tayong natutunan sa 21 taong panloloko at pandarambong ng tatay ni Bongbong?

Na di dapat maniniwala sa mga nag papangako ng milagro. Na di dapat magtiwala sa nagbebenta ng paraiso.

Na pagdudahan dapat ang sinumang nagyayabang: “Walang duda — ako ang sagot! Ako ang lulutas sa lahat!”

Naghahanap ng mas mabilis na daan. Ng shortcut.

Pero iyong inaakalang short cut, iyong inaakalang mas mabilis na daan, dami palang peligro. Mas magiging mahaba ang biyahe, mas makakapinsala, mas nakamamatay. ‘Trapik sa EDSA so sa C5 na lang para mas mabilis.’

Pero andoon ang kaskasero. Si Mr. Happy Happy. Siyang nagpapasabog ng ningning.

Naririnig ko na si Emilio Jacinto:

“Ang Ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa paningin!

“Ang ningning ay nakakapandaraya!

“Ating hanapin ang Liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning.”

Visit and like the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel

On Twitter @boyingpimentel

Read Next
LATEST STORIES
MOST READ
Don't miss out on the latest news and information.
View comments

Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.

TAGS: Antonio Luna, Bongbong marcos, Emilio Jacinto, Emilio Jacinto poem, Filipino poetry, glitter and light poem, Ningning at Liwanag, Rodrigo Duterte
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.


© Copyright 1997-2019 INQUIRER.net | All Rights Reserved

We use cookies to ensure you get the best experience on our website. By continuing, you are agreeing to our use of cookies. To find out more, please click this link.