Sa kabataang di nakatikim ng Martial Law, ito ang ginawa ni Marcos

(MURAL) "Salvaged Memories," mural by Randalf Dilla. Courtesy of Hiraya Art and Hiraya Gallery Manila

(MURAL) “Salvaged Memories,” mural by Randalf Dilla. Courtesy of Hiraya Art and Hiraya Gallery Manila

Noong mga araw na iyon, ang presidente parang hari. Hindi lang sinusunod, sinasamba. Hindi lang kinakampihan, kinatatakutan.

At pinaka-importante, hinding-hindi siya natatanggal sa poder. Pag may eleksyon, panalo siya. Garantisado.

Kahit gaano pa kasikat at popular ang kalaban, ‘yong tropa niya ang panalo lagi. Sigurado.

Buong mundo alam iyon.

May nakakatuwang cartoon noon sa Amerika. Pinapakita si Marcos katabi ng isang heneral niya. Nakabusangot pareho habang pinapanood ang mga demonstrador na hinuhuli ng mga pulis.

Sinasabi ni Marcos, “Mga walang-hiyang ito. Pinaboto na nga, ngayon gusto pa e bilangin ‘yong mga boto nila.”

Ganyan ang diktador. Ganyan si Marcos.

Ganyan ang pamumunong sinasamba ni Ferdinand Bongbong Jr. Ganyan ang sistemang dapat daw e kalimutan na natin sabi ni Jojo Binay.

Sa darating na linggo, gugunitain natin ang ika-43 anibersaryo ng pagbagsak ng batas militar at pagsilang ng diktadura, dapat malaman ninyo ito at tandaan.

Minahal daw ng mag-asawang Marcos, si Ferdinand at si Imelda, ang sambayanang Pilipino.

Sa sobrang pagmamahal, ayaw maalis sa kapangyarihan. Napasarap ng upo sa Malakanyang.

Marami sa inyo sawa na sa pulitika, sa mga balitaktakan ng mga trapo. Marami sa inyo sawa na kay Aquino, kay PNoy.

Pero huwag kayong mag-alala, ilang buwan na lang wala na siya. Itong dapat ninyong tandaan: kahit paano, sa panahon ninyo, ang isang presidente, hanggang anim na taon lang tumatagal.

Si Cory, pagkatapos ng anim na taon, umalis na rin.

Si Ramos, hihirit sanang tumagal, pero noong malinaw na hindi uubra, umatras din. Anim na taon, good-bye na.

Si Erap, sa sobrang gulo ng pamumuno, napatalsik agad.

Si Gloria. Oo, nagtagal si Gloria.

Lampas anim na taon. Pinakamatagal sa mga namuno matapos ang pagbagsak ng diktadura. Siyam na taon. Matagal na iyon para sa marami sa karamihan sa inyo.

Pero isipin ‘nyo rin ito: Si Ferdinand Marcos, ang presidenteng umastang hari, ang diktador na tinaguriang isa sa pinakasakim na pinuno sa kasaysayan— I-Google ninyo ang “most corrupt leaders” para mas malinaw— si Marcos, si Makoy, si FM, nasa poder ng dalawampu’t isang taon.

Bente-uno. 21 years.

Halos dalawang dosenang taon.

Lampas tatlong beses ng karaniwang haba ng termino ng isang presidente ngayon.

Doble sa kinasusuklamang pamumuno ni Gloria. Doble.

Imelda Marcos at husbands refrigerated crypt. AFP FILE PHOTO

Sanggol ako noong unang beses siyang nahalal. Magbe-bente anyos na ako, andoon pa rin siya!

Hindi pa umaalis! Nandoon pa rin!

Eh di wow!

Isipin ninyo yon: Na kung 21 taon ninyong kelangang tiisin si Pnoy, si Erap, si GMA, si Ramos, si Cory.

Walong taong gulang ako noong nag-Martial Law, noong nagsimula ang isa sa pinakamalupit na diktadura sa kasaysayan. Nanganganib daw ang republika sa kanan, sa kaliwa, sa itaas, sa ibaba. At siya lang, si Ferdinand E. Marcos, ang makakapagligtas sa bayan.

May mga magsasabi sa inyo na mas maganda raw ang buhay noong panahon ni Marcos, lalo na noong dineklara niya ang Martial law.

Tahimik bigla. Wala nang rali. Wala ng mga nagrereklamong estudyante at mga manggagawa. Maski nga sa hintayan ng dyip, pumipila bigla ang mga tao.

Tapos daming pabongga at pasiklab.

Miss Universe pageant noong 1974. Panay pa ang dalaw nina Van Cliburn at George Hamilton. Tapos, laking tuwa ng marami (at inaamin ko, maski ako at yong mga kaklase ko sa grade school) noong nagbakbakan sina Muhammad Ali at si Joe Frazier sa Araneta Coliseum.

At sa lahat ng ito, nandoon si Marcos at si Imelda. Ang hari’t reyna. “Si Malakas at si Maganda.”

Sa kanila nakatutok ang nakakasilaw na ilaw. Sila ang bida.

Pero tago sa nakakasilaw na ilaw, sa mga pasabog at pasiklab, sa mga beauty queen at sikat na mga boksingero at artista, tago sa lahat ng mga ito ang kadiliman — matindi at nakakatakot na kadiliman.

Minsan ang hirap isipin ang kasakiman, ang walang katapat na pagnanakaw na naganap noon. Hanggang ngayon, sumusulpot ang mga balita tungkol sa mga dinugas ng diktador. Mansyon dito, mga mamahaling alahas doon.

Pero ang mas nakakasindak, ‘yong ginawa sa mga kumalaban sa diktadura.

Mga kilalang lider tulad nina Pepe Diokno at Ninoy Aquino — pinatapon na lang nang basta basta sa bilangguan.

Mas kawawa iyong mga hindi kilala — mga karaniwang estudyante, manggagawa, madre, pari, mga tatay at nanay na nangahas kalabanin ang diktadura ni Marcos. Sa gitna ng mga pasabog at pasikat, sa kadiliman ng mga kulungan ng militar, walang katapat na kalupitan.

Nangyari ito sa napakaraming Pilipino — ‘yong mga binugbog, ginahasa, kinuryente ang mga ari. Mga pinahiga sa yelo, isinubsob sa kubeta, pinakain ng kung anu-ano, binantaang pahirapan, gahasain, patayin ang mga minamahal sa buhay kung di sila makikisama sa diktadura.

Sa isang banda, masuwerte na siguro ‘yong basta na lang pinatay. Hindi na pinahirapan.

Sa panahon ni Marcos, dahil kay Marcos, natuto ang militar nating umastang hayop — silang dapat sana nagtatanggol sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa mga walang kapangyarihan.

Tinuruan sila ng diktador na atupagin lang ang kapakanan ng diktador.

Nangyayari pa rin ang mga kahayupang ito, alam ko. Sinong Pilipinong hindi mabibiyak ang puso sa nangyari sa bayan ng Ampatuan. Sinong hindi magagalit sa patuloy na paghahanap kay Jonas Burgos, sa pagpaslang sa mga Lumad, sa pambubusabos sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Pero ngayon, kahit paano, mas madaling magreklamo. Mas madaling ipamalita ang mga kabulastugan. Noong nakaraan, ang nagrereklamo, namimiligro ang buhay.

Kaya huwag na huwag kayong maniniwala na mas maganda sana ang buhay kung nasa poder pa ang isang tulad ni Marcos.

Kaya huwag kayo sanang maniwala sa mga kaalyado ng diktador na nagnanais makabalik sa poder.

Kaya huwag kayo sanang maniwala sa mga ganid na gustong maghari-harian sa bayan na gustong kalimutan ninyo na ang lahat ng nangyari sa atin noong panahon ni Marcos.

Huwag na huwag kayong maniniwala na mas maunlad sana ang bayan natin kung hinayaan na lang ang masarap na pagkakaupo ng diktador.

Mas may disiplina raw noong panahon ni Marcos. Pero simple lang ang sagot diyan: Ang pambubutangero ay hindi disiplina.

Ang pagnanakaw ay hindi disiplina.

Ang kahayupan – ang torture — ay hindi disiplina.

Ang pambobola, ang pahihikayat sa inyong: “Kalimutan ninyo na ang ginawa ni Marcos. Lumang tugtugin na ‘yon” ay hindi disiplina.

Maraming problema sa bayan natin, alam ko. Marami pa ring nangungurakot, nambubutangero, nandadaya. Pero ito ang pinakamahalagang aral sa panahon ni Marcos: Huwag na huwag kayong maniniwala pag sinabi ng isang pulitiko na siya lang ang pag-asa ng bayan, na siya lang ang may solusyon.

Huwag kayong maniniwala sa indibidwal o grupong umaastang tagapagligtas at tagapagtanggol. Maaaring ang hirit e, dahil militar daw sila at sanay sa bakbakan.

O dahil sapul nila ang wastong linyang pampulitika at sila raw ang inatasang tagapagtanggol ng mga mahihirap at manggagawa, na sila lang daw ang may tamang sagot.

O dahil ginagabayan sila kuno ng diyos.

O dahil galing sila sa tanyag na angkan, at nakapag-aral sa mga sikat na pamantasan sa ibang bansa.

Sa kabilang banda, ‘wag ninyo ring babalewalain ang mga maaaring iambag ng maraming mga indibidwal at grupo, kasama na ang militar, ang mga aktibista, ang mga alagad ng simbahan, ang mga negosyante, at mga kabataang tulad ninyo.

Napaka-kumplikado ng mga suliranin ng Pilipinas. Walang isang grupong alam lahat ng sagot. Pero maraming grupong may maaaring maiambag.

Huwag kayong matakot sa maraming pananaw, sa maraming mga posibleng daan.

Pero ‘wag kayong paloloko sa nagmamarunong. Sa mga nagpapanggap na tagapagligtas.

Sa mga nag-aambisyong maging bagong Marcos.

(This is an updated version of an essay I wrote in 2012.)

Visit the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel

On Twitter @boyingpimentel

Like us on Facebook https://www.facebook.com/inquirerUSA?fref=ts&ref=br_tf

RELATED STORIES

To young Filipinos who never knew martial law and dictatorship 

How much do we know about martial law? You’ll be surprised 

The night Marcos declared martial law

Read more...