Ang Presidenteng nabola

At ngayon alam na natin: Sa Daang Matuwid nagkakaroon din pala ng bolahan. At puwede ngang mangyari na ang nabobola ay ang pangulo ng republika.

“Maliwanag sa akin, binola niya ako,” sabi niya.

Hindi sinabing:

“Kasinungalingan at mali ang binigay niyang impormasyon sa akin.”

O kaya e: “Hindi tama at mapanlinlang ang mga reports na natanggap ko.”

Hindi ganoon …

Ganito: “Binola niya ako!”

Sa mga news reports sa Ingles ang pagbabalita ay:

“Aquino says he was ‘fooled’ on Mamapasano”

Walang dating.

Iba talaga at mas may may sipa talaga sa orihinal na Pilipino. Kasi nga iba talaga pag sinabi ng isang presidente: “Binola niya ako.”

Kahit anong sabihin ng kahit sino, matindi talaga pag inamin ng isang pangulo ng republika na kaya palang siyang bolahin.

At iyon na nga ang kahindik-hindik na rebelasyon sa tahedyang naganap: Ngayon lang tayo nakarinig ng presidenteng umamin na nabola siya.

Noong trinaydor ang unang pangulo ng bansa, si Andres Bonifacio, hindi niya sinabing, “Binola ako ni Aguinaldo!’

Noong nahuli si Aguinaldo sa Palanan, hindi siya nagreklamo, “Lintik, nabola ako ng mga kampon ng Amerikano.”

Noong bumagsak si Marcos matapos ahasin ng mga matagal niyang kaalyado sa pagnanakaw at pambubutangero sa bayan, hindi siya nag presscon para ibulgar, “Binola ako nina Enrile at Ramos!”

Walang ganoon.

At ikinumpisal pa niya:

“Ang bottom line ho, kung alam ko na ganito ang gagawin niya from the start, ay hinindian ko ho itong misyon na ito. Parang ‘yung pwedeng-pwedeng maging successful na misyon, sa ginawa niyang plano, parang naging Mission Impossible.”

Mission impossible.

Sa pambobola sa pangulo, pinaniwala siyang matino ang isang operasyon, na ang totoo e batay pala sa sine, sa Hollywood, sa pelikula ni Tom Cruise, sa TV show na kinagiliwan ng milyong milyong mga Pilipino (kasama na ako.)

At nangyari nga, na ang hari ng Malakanyang, ang pinuno ng bayan, ang pangulong tinitingala at inaasahang magpapakita ng tibay ng paninindigan .. e kayang kaya palang bolahin ng isang kung mag isip e mala-Mission Impossible?

Kaya nakakasindak ang nangyari, ang karumaldumal na katotohanan: kahit sa administrasyong kontra sa Wangwag, sa pamahalaang kumikilala sa kahalagahan ng karaniwang Pilipino at sinasabing sila ang “boss” ng isang pinuno, ang isang presidenteng ito ay maaaring mabiktima ng mga bolero.

Masakit tanggapin, pero ganoon e.

“Ngayon, ano ho ang responsibilidad ko at this point in time? May kasabihan ho e: “Fool me once, shame on you; fool me twice, shame on me.” At wala akong balak na ma-‘fool me twice,’ kaya ho humanda ho lahat …”

Ganoon naman pala. Napakagandang balita. Puwedeng mabola nang minsan. Pero hindi na mauulit. Naisahan ng mambobola. Pero hindi na mauulit.

Sana.

Visit the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel

On Twitter @boyingpimentel

Read more...