Bakit bad trip ang pag-alis ng Filipino sa core curriculum | Global News
Kuwento

Bakit bad trip ang pag-alis ng Filipino sa core curriculum

04:19 AM September 01, 2014

Hindi ako academic at matagal na rin akong di naging bahagi ng education system sa atin.

Dahil sa mga ito, nag-alangan akong sumabak sa debate tungkol sa pagtuturo ng Filipino bilang required course sa kolehiyo. Mahirap kasing makipag-sabayan sa mga may PhD.

Pero mali ‘yon.

Article continues after this advertisement

May maiaambag ako sa diskusyon dahil dumaan ako sa mga pinagdaanan ng mga kabataang maapektuhan ng mga bagong patakaran — dumaan sa dilema ng estudyanteng pinaplano ang mga kursong kukunin, nagtataka, nasusuya kung bakit kelangang ang ganito o ganoong aralin.

FEATURED STORIES

Isa sa mga may malinaw na posisyon sa debateng ito si Propesor Isagani Cruz, respetadong manunulat at isa sa ginagalang kong intelektwal.

Sa Facebook, sinabi ni Sir Gani, “Only through genuine dialogue (and not through ad hominem arguments and cyberbullying) can we finally come to a fruitful conclusion.”

Article continues after this advertisement

Sinulat niya ito dahil sang ayon si Propesor Cruz sa pag-alis ng Filipino bilang core course, at dahil dito tumanggap siya ng matinding puna.

Article continues after this advertisement

At tama si Sir Gani.

Article continues after this advertisement

Kumplikado ang isyung ito, bunga ng ambisyosong pagbabago ng education system at pag-introduce ng K-12 system.

Sa magkabilang panig ng debate ay mga kilala at respetadong edukador na seryosong pinag-isipan ang usapng ito.

Article continues after this advertisement

Isa rito si Prop. Ricky Nolasco ng UP, kilalang linguistics expert, dating aktibista, na may mga matatag na posisyon tungkol sa wika at  edukasyon.

Iyong sinulat ni Sir Gani sa Facebook ay sagot sa sinulat ng isang grupong kinabibilangan ni Ricky.

Sa tingin ni Sir Gani, dahil sa mga pagbabago sa sistemang pang-edukasyon, kasama na ang pagdiriin ng Filipino sa primary at secondary level, hindi na kelangang gawing required course ang Pilipino sa kolehiyo.

Dahil sa posisyong ito, mukhang napagbintangan siyang kontra-makabayan — bintang na, walang duda, ay kalokohan.

Hindi niya sinasabing hindi dapat ituro ang Filipino sa college. Ang totoo, lubos ang papuri niya sa mga bagong kursong batay sa pag-aaral ng Filipino.

Sa kolum niya sa Philippine Star sinabi niya: “Those advocating the addition of a subject on Filipino in the GEC [General Education Curriculum] argue that, first, college students are not yet ready to use the language and therefore need to study it some more, and second, that the language itself is not yet ready to be used as a medium of instruction in college because it has not yet been fully intellectualized. (Intellectualization means having enough vocabulary and grammatical sophistication to handle higher learning.)

“If I agree to the addition of a subject studying Filipino in the GEC, I would be contradicting myself. … I cannot say, on the one hand, that Filipino should be used as the medium of instruction for college subjects and then say, on the other hand, that students are not yet prepared to use the language in their classes.

“I cannot say, on the one hand, that Filipino should be used as the medium of instruction for college subjects and then say, on the other hand, that the language is not yet ready to be used as a medium of instruction and still needs to be fully intellectualized…”

Iba ang posisyon ng grupo nina Ricky Nolasco, na kasama na mga kapwa niya linguists, sina Isabel Pefianco Martin at Rusty Cena.

Hindi nila pinag-bibintangang kontra-makabayan si Sir Gani kaya naman sinabi ni Propesor  Cruz: “I welcome this answer to my Philippine Star column because it raises the level of discourse.”

Di tulad ni Sir Gani, hindi kumbinsido ang grupo ni Ricky Nolasco na sapat na ang pagdiriin ng Filipino/Tagalog sa bagong sistema.

Isang importanteng argumento at proposal nila ay ito: Mas mahusay at effective ang pagtuturo kung ang wikang ginagamit ay yong kinalakihan ng estudyante.

Kaya nga hindi lang sila nagtutulak na hindi alisin ang Filipino sa core curriculum, tingin nila dapat pa nga e gamitin ang iba’t ibang wikang Pinoy — Bisaya, Ilocano, Bicolano — sa pag tuturo.

“Tagalog/Filipino’s status as the national language does not translate to superiority in effective pedagogy, knowledge creation or original thought. Many Philippine languages, like the national language, are in the process of being intellectualized to hasten learning in the higher domains. Using them as MOI [medium of instruction] will accelerate that process.”

Sang ayon sa puntong ito si Sir Gani.

“I will support any move to stop English from being the sole medium of instruction on the college level in the Philippines,” sabi niya sa Facebook.”

Pero may pagtatalo sila kung ang Filipino ay “disciplinary” kaya di dapat isali sa core curriculum. Sabi ni Sir Gani oo. Ang kina Ricky Nolasco naman e hindi.

“We say that there are subjects that by their very nature lend themselves to the interdisciplinary approach. Language is one of these subjects,” sabi ng grupong Nolasco. “The study of language offers exemplary interdisciplinary experience, of the type that complements and supplements what science, technology, and mathematics can offer”

Sagot ni Sir Gani:  “The contention is that language is essentially multidisciplinary. I agree, but I do not agree that the study of Filipino is essentially multidisciplinary. .. Theoretically, Filipino is not a language or even a langue but a parole.  A course on language would definitely be multidisciplinary and would make an excellent elective course for college students to take. But a course on Filipino would not qualify as such.”

Napakalaki ng respeto ko kina Sir Gani at kay Ricky Nolasco, na tintuturing kong kaibigan.

Pero siguro hindi sasama ang loob nila kung i-imagine ko ang reaksyon ng kabataang maapektuhan ng balitaktakang ito: “Mga ‘chong, hebigats naman nito. Renda lang sa worsh worsh.” (O siguro mga kabataan ng kapanahunan ko.)

Ang posisyon ko ay posisyon ng hindi bihasa sa mga teorya ng edukasyon at linguistics, na matagal nang nakatira sa Amerika at ang hanap buhay ay nakasalalay sa kakayanan kong umIngles.

Posisyon din ito ng Pilipinong naniniwala na importante ang wika.  Wala naman sigurong debate dito: Importante ang wika, ang lenggwahe.

At walang pagtatalo na napakainit pa rin ang debate tungkol sa Filipino bilang pambansang wika at ang kasaysayan nito.

Nitong nakaraang buwan na lang nga e may mga diskusyon tungkol sa paglitaw ng Tagalog bilang basehan ng Filipino at kung sino nga ba ang mga natulak nito.

Alam kong masama pa rin ang loob ng mga Pinoy na Bisaya o Ilonggo o Ilocano ang pangunahing wika sa mga desisyong gawing Tagalog ang basehan ng pinaiiral na wikang pambansa.

Sa panahong marami pa ring di pagkakaintindihan sa Filipino at sa kasaysayan at kahalagahan nito, di ba mahusay din na mas makasabak pa ang mga kabataang Pilipino sa usaping ito?

Di ba paraan pa nga ito na patunayang buhay ang Filipino, na bagamat nakabase sa Tagalog e pinapapalago at pinatitibay ng iba’t iba nating lenggwahe, kasama na ang lenggwahe ng kabataan?

At isa pa.

Pupusta akong hindi pa rin nagbabago ang nakababagot na katotohanan: Na sa Pilipinas at sa maraming Pilipino, Ingles at ang kakayanang mag-Ingles pa rin ang mas pinapahalagahan.

Na kung hindi ka magaling mag-Ingles e wag ka na dapat umasa ng masaganang kinabukasan.

Hindi mo rin naman masisi ang mga kabataan sa pag-iisip nito.

Noong panahon ko di pa uso ang call center. Ngayon sangkatutak na at pangarap marahil ng maraming tinedyer ang makapasok dito dahil sa sweldo at seguridad sa trabaho. Ibig sabihin, ayos ka na sa trabaho kung matalas kang umingles para matulungan si Joe ng California o si Anne Marie ng Illinois kung paano ayusin ang bago nilang laptop.

Di ba magandang pagkakataon ang Filipino bilang isang core course na ipaliwanag at idiin sa mga kabataan, na bagamat hindi masamang mag-ambisyon na mas maging bihasa sa Ingles, at walang masamang mag trabaho sa call center o mag-abroad, hindi lang iyon ang posibleng daan para sa kanila — at maidiiin ito sa wikang mas malapit sa puso nila?

Kaya naman sa panahong marami pang pagtatalo at mga tanong tungkol sa kung sino tayo at kung paano tayo makipag usap sa isa’t isa, sa tingin ko, sang ayon ako sa mga nagsasabing dapat required course pa rin ang Filipino sa kolehiyo.

Visit and like the Kuwento page on Facebook at www.facebook.com/boyingpimentel

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

On Twitter @boyingpimentel

TAGS: Bisaya, English, Filipino, Ilocano, Pilipino, Tagalog

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2024 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.