Ikaw ay isang taong nagsunog ng kilay
Upang matamo mo, mithing karunungan
Na kakailanganin sa pakikilaban
Sa nang-aaping, sakim na dayuhan.
Sa ibayong dagat, sa ibang daigdig
Ika’y hinangaan sa talinong angkin
Sa karunungan mo't sa lawak ng isip
Kanilang paghanga'y di nila napigil.
At iyong natamo, karunungang hangad
At iyong sinulat ang dalawang aklat
Sa Noli at Fili'y pilit mong minulat
Pandinig na bingi't mga matang bulag.
Sa aklat mong ito'y iyong sinalaysay
Masasamang bisyo't sakit ng lipunan
Sa kababayan mo na nangahihimlay
Ay binhing tinanim sa lupaing tigang.
Ang mga kalaban ay nangabahala
Na baka mag-alsa ang lahing biktima
At baka magwakas kasakiman nila
Ikaw ay hinuli't kinulong sa selda.
At iyong hinarap ang mga dayuhan
Tiniis ang hirap ng pakikilaban
At ang kalungkutan doon sa piita'y
Nagwakas sa isang dustang kamatayan.
Naging bayani ka sa iyong pagpanaw
Naging sagisag ka ng katotohanang
Sa mundo'y laganap ang katiwalian
At ang katarunga'y kay hirap makamtan.
Editor’s note: Rene Calalang is both from Scarborough, Ontario and Malolos, Bulacan.
