Quantcast
Home » News » Breakingnews

Filipino language in Australia school

First Posted 10:48:00 03/01/2010

MELBOURNE, Australia?Noong ika-5 ng Disyembre 2009, matapos ang isang taong pagsisikap ng lahat ng mga guro ng Philippine Language School of Victoria (PLSV) na maitaas ang kalidad ng pagtuturo, isang matagumpay na Professional Development (PD) ang inihanda ng director ng paaralan na si Perla Luetic.

Ang layunin nito ay maihanda ang mga guro sa isang mas epektibo at mas makabagong paraan ng pagtuturo sa taong 2010.

Ang unang bahagi ng Professional Development ay ang pag-aaral ng mga guro sa paggamit ng kompyuter at projector na siyang magiging pangunahing kagamitan sa pagtuturo sa Year 11 at 12. Ang kompyuter at projector ay nabili sa pamamagitan ng tulong ng Samahan ng mga Magulang na nakiisa sa mga Fund Raising Projects ng paaralan. Inaasahan ng mga guro na sa pamamagitan ng projector, ang mga mag-aaral ay higit na matututo ng ating wika dahil hindi lamang nila nababasa o nakikita ang mga aralin kundi napapanood at naririnig din.

Ang ikalawang bahagi ng PD ay ang pagpupulong ng mga guro tungkol sa mga tagumpay at iba pang magagandang pangyayari sa taong 2009. Kabilang sa mga ito ay ang resulta ng VCE na bagamat hindi nakuha ang pinakamataas na antas sa Lote ay mas mataas pa rin sa state mean na 100.2.

Ang PLSV ay nakakuha ng 100.8 na mean. Nakapasa rin ang paaralan sa pamantayan ng Victorian Registration and Qualification Authority (VRQA) kung saan sila ay miyembro na at nabigyang muli ng akreditasyon sa loob ng tatlong taon. Ang katibayan nito ang ipinakita sa mga magulang sa kanilang Orientation noong ika-6 ng Pebrero 2010.

Napagpulungan din ang ibat-ibang plano ng mga guro sa bawat antas na mapabuti pa ang pagtuturo sa taong 2010 sa pamamagitan ng pagbili at paggawa na mas maraming materyal na magagamit ng mga mag-aaral lalo na sa Beginners Class na mas nangangailangan ng makukulay at mapang-akit na kagamitan upang lalo silang mahikayat na matutunan ang ating wika.

Isang malaking sorpresa din ang inihahanda ng paaralan sa Foundation Day nito sa buwan ng Agosto. Dadaluhan ito hindi lamang ng mag-aaral at mga magulang kundi pati ang mga alumni at iba pang espesyal na panauhin. Ang mga detalye ay ipapahayag sa malapit na hinaharap.

Marami pang kasiya-siya at kapaki-pakinabang na gawain ang inihahanda ng mga guro para sa mga mag-aaral na gaganapin hindi lamang sa loob ng paaralan kundi sa ibang lugar na magbibigay sa kanila ng mga bagong karanasan na hindi nila malilimutan.

Ang huling bahagi ng PD ay ang pagbibigay ng parangal sa taos-pusong paglilingkod ng mga guro at pagkakaisa ng lahat na maibigay sa abot ng kanilang makakaya na mapanatiling buhay ang wikang Filipino sa bansang Australia na naging tahanan nating lahat.

Walang alinlangan na simula ngayong Pebrero 2010, ang mga gurong sina Perla Luetic, Violeta Binuya, Julieta Uy, Rosanna Balod ay handang-handa nang magturo kaya?t sama-sama nating pagyamanin ang wikang Filipino.

Munting Nayon News Magazine


blog comments powered by Disqus

  • Print this article
  • Send as an e-mail
  • Most Read RSS
  • Share
© Copyright 2011 INQUIRER.net. All rights reserved. This material may not be published, broadcast, rewritten or redistributed.