Quantcast
Article Index |Advertise | Mobile | RSS | Wireless | Newsletter | Archive | Corrections | Syndication | Contact us | About Us| Services
 
Thu, Apr 24, 2014 01:30 AM Philippines      25°C to 33°C
 
  Breaking News :    
Advertisement
Cathay Land
Xoom

INQUIRER ALERT
Get the free INQUIRER newsletter
Enter your email address:




 
Global Nation / Mind Feeds Type Size: (+) (-)
You are here: Home > Global Nation > Mind Feeds

  ARTICLE SERVICES      
     Reprint this article     Print this article  
    Send Feedback  
    Post a comment   Share  

  RELATED STORIES  





imns



Kabataan maaasahan ng bayan

By Francis G. Escudero
INQ7.net
First Posted 20:39:00 06/13/2006

Filed Under: Politics, Media, Customs & Traditions, civil society, Forecasts, Elections

(Editor?s Note-This speech in Tagalog was transcribed by Bayanihan News publisher and historian Renato Perdon from the speech of Representiave Francis G. Escudero at a gathering of Bicolanos residing in North South Wales, Australia.)

Saan man ako magtungo at sino man ang makaharap ko, palagi kong ginagamit bilang panimula ang mga katagang binitiwan ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, bago siya binaril sa Luneta:

?Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del mar de oriente, nuestro perdido Eden!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera mas brillante, mas fresca, mas florida,
Tambien por ti la diera, la diera por tu bien.

(Paalam na, sintang lupang tinubuan,
bayang masagana sa init ng araw.
Edeng maligayang sa amin ay pumanaw
Perlas ng dagat sa dakong Silangan.)

Ginamit ko ang mga salita ng ating pambansang bayani dahil sa isang linya nito: nuestro perdido Eden, na sa wikang sariling atin ay paraisong pinabayaan.

Ginamit ko iyon upang ipabatid ang simpleng mensahe at simpleng katanungan. Bakit mahigit isang daang taon na ang lumipas nang isulat niya ang mga katagang iyon, tila tutuo pa rin kahulugan hanggang sa mga oras na ito?

Bakit ang ating inang bayan, na pinagpala ng tunay na likas ng yaman, pinapagpala ng masisipag, mababait, magagaling at magagandang tao, bakit hanggang sa mga oras na ito ay lugmok pa rin sa kahirapan?

Bakit nga ba sa ating minamahal na Inang Bayan, laganap pa rin ang kahirapan at napakarami pa rin ang mga taong nagtitiis o naghihirap? Ano nga ba ang solusyon at ano nga ba ang kasagutan sa mga katanungan?

Para sa akin simple lamang ang kasagutan. Nabanggit kanina na mayroon na ngayong humigit kumulang na walumpu?t-tatlong milyong Pilipino. At sa walumpu?t milyong Pilipino, ang karamihan ay nabibilang sa mga nakababatang henerasyon.

Nitong mga nakaraang mga buwan, nitong mga nakaraang taon mula dito sa Australya, nakita ninyo ang maraming kaguluhan sa ating bansa. Nais ko po sanang sabihin at ipabatid na anumang kaguluhan na inyong nakita ay bahagi ng isang demokrasyang nagsisimula pa lamang. Bahagi ng isang demokrasyang nagsusumikap na tumayo at kilalanin ang mga dapat kilalanin sa isang mapayapang pamamamaraan.

Anuman ang iyong pinapanigan, pro-Gloria o anti-Gloria man kayo, may isang bagay na hindi ninyo kayang ikaila - at iyan ang papel na ginampanan ng kabataan nitong mga nakaraang pagsubok sa ating bansa. Papel na ginampanan ng kabataan na marami kayong nakikita sa TFC (The Filipino Channel). Nakibaka, nagsalita at ipinarinig ang kanilang boses, nanindigan at hindi nagpadala sa kakulangan namin sa edad at karanasan.

Mula sa magkabilang panig, tumayo ang kabataang Pilipino at pinanindigan ang kanilang prinsipyo at paniniwala. Para hindi ninyo isipin na ako?y namumulitika, unahin natin mula sa panig ng pamahalaan, mula sa panig ng gobyerno, sa panig ni Pangulong Gloria Arroyo. Naroon si Kalihim Michael Defensor, siya ay tatlumput-anim na taong gulang. Nandoon si Kalihim Rolando ?Nonoy? Andaya, sa panig pa rin ng gobyerno ni Pangulong Arroyo, siya ay tatlumput-pitong taong gulang. Si Kinatawan Juan Miguel F Zubiri, siya ay tatlumpu?t pitong taong gulang. Kinatawan Joseph ?Ace? H. Durano, kalihim ng Kagawaran ng Turismo, siya ay tatlumpu?t anim na taong gulang din. Mga kabataang Pilipinong nanindigan at ipinaglaban ang kanilang paniniwala. Hindi ako namumulitika diyan. Inuna ko na sila.

Samantala, mula naman sa panig ng oposisyon, sa panig ng katotohanan, kabutihan at kagandahang lalaki, nandoon po ang aming mga kasamahan. Kinatawan Alan Peter S. Cayetano, siya ay tatlumpu?t anim na taong gulang. Kinatawan Darlene Antonino-Custodio, siya ay tatlumpu?t dalawang taong gulang. Kinatawan Emmanuel Joel J. Villanueva, anak ni Brother Eddie Villanueva, siya ay tatlumpu?t isang taong gulang. Kinatawan Justin ?Timmy? SB Chipeco at Juan Edgardo ?Sonny? Angara, sila ay parehong tatalumpu?t tatlong taong gulang. Kinatawan Gilbert C. Remulla, siya ay tatlumpu?t limang taong gulang at ang inyong lingkod Francis ?Chiz? G. Escudero, tatlompu?t apat na taong gulang.

Gusto ko lamang patunayan sa inyo na hindi lamang si GMA ang marunong magsinungaling. Pati kami ay nagpapraktis na rin po sa oposisyon - mga kabataang Pilipinong tumayo at nanindigan ayon sa kanilang paniniwala, upang ipakita na sa kasalukuyang panahon, ang mga nagmamasid ay ang kabataang Pilipino.

Sinimulan ko ang aking talumpati sa paggamit ng mga kataga ni Rizal. Hayaan ninyong gamitin ko ang kabaligtaran ng kaniyang sinabi. Sa matagal na panahon, iniukit sa ating isip na ang kabataang Pilipino ay pag-asa lamang ng bayan. Hindi ba?t madalas ninyong naririnig ang tulang ?Sa Aking mga Kababata? ni Rizal? Sinabi niya na ang pag-asa ng bayan ay ang kabataan.

Sa totoo lang, tuwing ipinakikilala ako at ginagamit ang katagang iyan, parang sinasampal ako at gusto kong ma insulto dahil kung ating susuriin ang katagang ang ?kabataan ay pag-asa ng bayan,? ang tanong ko, kung pag-asa kami, ano ang tawag sa amin ngayon?
Isang kabataang martir, sa pangalang Lito Sarmiento, ang minsa?y nagtanong sa kaniyang mga kahenerasyon sa isang headline sa Philippine Collegian noong 1970s. Marahil pamilyar ang ilan sa inyo rito. Sabi ni Lito Sarmiento, :?Kung hindi ako, sino? Kung hindi ngayon, kailan??

Kung pag-asa lamang ang kabataang Pilipino, ang aming magiging kasagutan sa tatlong katanungang iyan ay ito: ?Hindi ako, hindi dito, at hindi ngayon, dahil bata pa pa lamang ako. Hindi ako, hindi dito, at hindi ngayon dahil pag-asa lamang ako ng bayan. Kailangan ko munang hintayin na ako ay magtapos, tumanda at magkaroon ng mga karanasan, marahil magtagumpay bago ako maaasahan ng bayan.?

Hindi ko ninanais na lapastanganin ang salita ni Rizal subalit ang kaniyang sinulat tungkol sa kabataang Pilipino, sa aking pananaw, ay hindi na angkop at nababagay pa sa panahong ito. Ang marapat na bagong sigaw at paninindigan ng mga kabataang Pilipino ay ito: Ang kabataan ay hindi lamang pag-asa. Ang kabataang Pilipino ay maaasahan ng bayan. Hindi sa mga darating na panahon, hindi sa pagtanda namin, hindi kapag kami ay matagumpay na, kung hindi ngayon, kami at dito mismo.

Sa walumpu?t tatlong milyon, parating na sa walumpu?t limang milyong Pilipino, karamihan ay nabibilang sa nakababatang henerasyon. At kung iaasa lamang namin sa mas nakatatanda sa amin ang pamumuno sa bansa at pagtatrabaho para sa Inang Bayan, ang ibig sabihin po lamang niyan ay mas kaunti ang bilang ng mga Pilipino ang nagtatrabaho para sa Pilipinas.

Subalit kung ang bawat Pilipino, bata man o matanda, babae man o lalake, mayaman man o hindi, nakapag-aral man o hindi, maganda man o hindi, ay babalikatin ang dapat at kayang balikatin upang iangat ang kalidad ng buhay sa ating bansa, walang dahilan upang hindi umunlad ang ating bukod tangi at minamahal na Inang Bayan.

Nitong mga nakaraang araw, maraming mga karanasan at pagsubok ang aking hinarap. Nais ko lamang ipabatid na ang ating mga kabataang Pilipino sa ngayon, maski na ang mga ikalawang henerasyon ng mga Pilipino naninirahan dito sa Australya, nais ko po sanang ipabatid sa inyo na ang mga kabataang Pilipino sa ngayon ay hindi itinuturing na kapansanan ang kakulangan sa edad ? hindi itinuturing na kakulangan ang kawalan ng karanasan sa mundo dahil ang aming pagiging bata ang siyang talentong iniaalay namin para sa aming Inang Bayan, kasabay ang aming prinsipyo, kasabay ng aming paninindigan, kasabay ng aming paniniwala na hindi kailan man maaaring ibagsak ang sambayanang Pilipino. At ito?y palaging tatayo at tatayo pa rin, hindi man ngayon, sa mga darating na mga araw.

Karamihan sa inyo ay naninirahan na rito sa Australya. At nais ko pong ipabatid sa inyong kayo ang pinakamagandang ehemplo sa aking paniniwala na ang Pilipino, kayang bumangon na hindi kailangang maghintay ng isang dekada o dalawang dekada.

Marami ang nagsasabi na kailangang turuang muli ang mga Pilipino ng kaibahan ng tama at mali. Marami ang nagsasabi na kailangang magsimula tayo sa simula upang maisaayos ang ating bansa. Hindi po ako naniniwala doon. Sa aking paniniwala - alam ng Pilipino ang kaibahan ng tama at mali. Alam ng Pilipino ang sagot ng tanong. Alam ng Pilipino ang solusyon sa lahat ng problema.

Hindi tayo kailangang maging isang rocket scientist, at hindi natin kailangang mag-imbentong muli ng gulong upang maayos ang problema ng bansa. Ang solusyon sa ating mga problema, ang sagot sa ating mga katanungan ay nakaharap sa ating mukha. Ano po ang ating basehan? Tingnan ninyo na lamang po ang Pilipino. Ano ba ang problema natin? Palakasan, walang sumusunod sa batas, koneksiyon ang pinaiiral at hindi ang katarungan.

Kayo po, noong una kayong dumating dito sa Australya mula sa Pilipinas, paglanding pa lamang ng eroplano dito sa Australya, hindi ba parang mababait kayong lahat? Aminin ninyo. At hindi ba kung bumibisita kayo sa Pilipinas, paglanding pa lamang ng eroplano ay BSDU (balik sa dating ugali) na kayo? Habang nandito kayo sa Australya, ang babait at ang sisipag ninyo. Pero pagdating ninyo sa Pilipinas, puro reuniyon, kainan, inuman at tambay.

Ang Pilipino ay may kakayahang sumunod sa mga batas ng bansa. Ang lahat ay maaring sumunod sa batas. Pero hindi natin nakikita ito sa itaas. Ang anumang pagbabago na dapat mangyari sa ating bansa ay dapat magsimula mula sa itaas. Anumang yabang ng sinumang naging pangulo ng ating bansa, kabilang na ang aking ninang na si GMA, hindi maaaring magsimula sa ordinaryong Pilipino ang pagbabago. Dapat magsimula ang pagbabago sa tuktok at pinakataas at sa pangulo ng bansa. Ang lider ng ating bansa ay dapat mamuhay bilang halimbawa at inspirasyon para sa mga tao kung paano sumunod sa batas.

Hindi natin kailangan ang mga bagong batas para mapaganda ang takbo ng ating bansa. Hindi natin kailangang imbentuhing muli kung paano patakbuhin ang gulong. Alam natin ang sagot doon.

Pinag-uusapan ngayon sa Pilipinas ang Cha-Cha. Marahil pinag-uusapan din ninyo ang Cha-Cha dito sa Australya. Hayaan ninyong sagutin ko ang tanong ng Cha-Cha. Hindi panibagong batas ang kailangan natin. Ang kailangan natin ay ang pagsunod sa batas.

Hayaan ninyong ulitin ko rito ang isang kuwento tungkol sa isang kinatawan ng Kongreso. May isang lider ang tumakbo at nanalong maging kinatawan ng kaniyang lalawigan. Nanilbihan siya ng tatlong taon sa Kongreso na walang ginawa o naisampang anumang panukalang-batas. Wala siyang ginawang batas kahit isa man. Dumating ang panahon ng halalan, siya ay muling humarap sa kaniyang mga botante sa lalawigan.

Nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na magtanong sa kaniya kung bakit wala siyang nagawang batas kahit isa man lamang. Bakit namin kayo iboboto muli? ang tanong ng mga tao. Panindigan mo nga kung bakit ka namin ibobotong-muli. Ang sagot ng kinatawan: Kayo naman huwag tayong maglokohan, huwag kayong mapaka-ipokrito. Sampung batas nga lamang, sampung batas ang ibinigay sa inyo ng Diyos hindi pa ninyo sinusunod. Bakit ko pa dadagdagan iyan?

Hindi ba ang ayon sa Sampung Utos ng Diyos, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, ang iba alam ninyo na di ba?. Mahirap kabisahin kaya ginawang dalawa na lamang ni Hesus. Sabi Niya, mahalin at igalang mo ang Panginoon, at pangalawa, mahalin mo ang kapwa mo tulad ng sa sarili mo. Dalawang simpleng batas na kung sinusunod natin, sabihin o nganiny sa akin kung may problema tayo.

Pagnanakawan mo ba ang taong mahal mo? Pagsisinungalingan mo ba ang taong mahal mo? Hindi mo ba bibigyan ng karampatang serbisyo ang taong mahal mo? At dadayain mo ba ang taong mahal mo? Hindi bagong batas ang kailangan natin sa ating bansa, kundi ang pinag-ibayong pagsunod at pagpapatupad sa batas. At nawa?y iyan ay maging maliwanag sa kaisipan ng lahat - dahil ang makikinabang sa pagbabago ng batas ay ang nasa puwesto at nasa kapangyarihan lamang sa ngayon.

Hindi ko nais na maging malungkot ang aking talumpati sa gabing ito. At nais ko sanang ipabatid sa inyo ang magandang balita kaugnay ng mga nangyayari sa ating bansa. Huwag sana ninyong isiping walang pag-asa sa ating bansa, dahil bagong panganak pa lamang ang demokrasya sa Pilipinas. Hindi pa lumalampas sa animnapung taon ang demokrasya sa ating bansa. Ang anumang nakikita niyo sa telebisyon ay bahagi ng isang demokrasyang nagsisimula pa lamang. At may isang bagay marahil na hindi natin maikakaila na anumang kaguluhan, anumang bangayan, anumang salitang binitiwan ay hindi po umaabot sa punto na magkakasakitan ang Pilipino kontra at laban sa kapwa Pilipino.

Ang isa sa aking paboritong pelikula ay American President, na nilabasan nina Michael Douglas at Annette Bening. Isang mahalagang bagay na hindi ko makakalimutan ang nabanggit ni Douglas sa pelikula nang ipaliwanag niya ang kahulugan ng salitang demokrasya. ?Hindi madali ang demokrasya. Ang demokrasya ay nangangahulugan ng maunlad na pagka-mamamayan. Sa isang simpleng pananalita, ang demokrasya ay pagtayo sa tabi ng isang taong galit na sumisigaw at nakikipagsagutan ngunit hindi man lamang nasasaling ang dulo ng inyong ilong o hibla ng inyong buhok.?

Ganito ang nangyayari sa ating bansa. Huwag kayong mamroblema kung sobra ang bangayan at ingay ng pulitika. Makontento at masiyahan kayo na hanggang sa mga oras na ito, hindi nagkakasakitan ang Pilipino laban sa kapwa Pilipino. At anumang tindi ng debate, tanggapin at alamin nating ito ay bahagi lamang ng demokrasya.


- The Philippines Bayanihan News



Copyright 2014 INQ7.net. All rights reserved. This material may not be published, broadcast, rewritten or redistributed.


Share

RELATED STORIES:

OTHER STORIES:


  ^ Back to top

© Copyright 2001-2014 INQUIRER.net, An INQUIRER Company

The INQUIRER Network: HOME | NEWS | SPORTS | SHOWBIZ & STYLE | TECHNOLOGY | BUSINESS | OPINION | GLOBAL NATION | Site Map
Services: Advertise | Buy Content | Wireless | Newsletter | Low Graphics | Search / Archive | Article Index | Contact us
The INQUIRER Company: About the Inquirer | User Agreement | Link Policy | Privacy Policy

Advertisement
Robinsons Land Corp.
Philippine Fiesta
Pista sa Nayon
Dept. of Tourism San Francisco